Miyerkules, Pebrero 20, 2013



ILALIM….
Saan mo nga naman nakuha ang ideya ng pagkakapantay-pantay? Sa iyong palagay, ito ba ay umiiral? Panigurado, sa Math Equation mo lang ito magagamit. 

 
Sa mundo na puno ng misteryo, may mga iba’t ibang katanungan na bumabalot sa bawat kaisipan ng tao tulad na lamang ng, “Kung umiiral ang kahulugan at diwa ng pagkakapantay-pantay, bilang isang tao, paano ito mapapatunayan at makakamit ng bawat tao kung ang lipunan ay nahihiwa at nahahati sa magkakaibang sangay?”, at “Ano nga ba ang mga pamantayan nito?” Sa mga tanong na ito, mapapaisip ka kung paano makakamit ang pagkakapantay-pantay. Kung kaya, huwag ako ang tatanungin mo. 

Nais ko lamang ibahagi ang aking mga kwento at personal na karanasan kung paano ko nakikita ang lipunan bilang isang lugar na kung saan dalawang pangkat lamang ang nagsasagupa tungo sa kasaganahan ng buhay—pagtaguyod ng kanya-kanyang interes. Ito ang mga makapangyarihan at walang kapangyarihan.
Ako ay minsan nang ginawang kasangkapan ng taong aking pinagkakatiwalaan. Bilang isang binatang mangingibig, ako ay minsan na ding nabigo at nasawi. Noong una, ang buong tiwalang binigay ko sa taong ito ay ang nagislbing ugat pala kung bakit ako naging kasangkapan na ginamit niya upang paglipasan ng oras at nagsilbing kasalo at katambal sa panahong siya ay nangangailangan ng mapagpipitagan at masasandalan. Aminin ko, ako man ay nabulag sa pag-ibig dahil sa paghahangad at pagtataguyod ng aking interes ngunit masasabi ko na ito pala ang naging dahilan ng aking pagkabigo. Sa ibang salita, ako ay sinamantala at pinakinabangan para sa kanyang interes. At nang kanyang nakuha ang lahat sa akin, ako ay iniwan at pinagpalit. 
Sa pangyayaring ito, makikita mo ang sitwasyon kung paano naging mapaniil ang isang tao maitaguyod lamang ang pansariling interes, at dahil dito nagkakaroon ng tinatawag na inequality na kung saan hindi naging patas ang bunga.