Huwebes, Abril 4, 2013

PAPER: Cultural Product



Sino nga ba naman ang sa atin ang hindi nakakakilala sa anime series na Doraemon? Mula pagkabata, siya na ang pinapalabas sa telebisyon upang maengganiyo ang mga manunuod. Ang Doraemon ang napili kong Cultural Product upang talakayin ito gamit ang approach ng Frankfurt School.

Ang buod ng kwento ng anime ay tungkol sa isang robot na pusang si Doraemon na nanggaling sa hinaharap upang tulungan ang batang si Nobita Nobi gamit ang kanyang mga makapangyarihang (high-tech) gadget o imbesyon. Ngunit, sa tuwing si Nobita ang ay may problema, si Doraemon ang pangunahing kaibigan na pinupuntahan niya upang malutas ang kanyang mga problema. Gayun pa man, sa tuwing siya ay pinapahiraman ng gamit ni Doraemon, siya ay laging palpak sa paggamit nito.
Gamit ang konsepto at teorya ng Frankfurt School, maari ko itong iugnay sa bansang Japan. Masasabi natin na ang Doraemon ay bahagi ng kultura ng Japan sapagkat ito ay isang anime. Ngunit, ano nga ba ang relasyon at epekto nito sa power relations ng lipunan?  Unang-una, ang Japan ay kilala sa kanilang makabagong teknolohiya na naghahayag ng kanilang maunlad na pamumuhay na katambal na rin ng kanilang kultura. Sa ibang salita, ang teknolohiya ang ay may mabuting idinudulot sa kanilang pamumuhay. Ngunit, kung ang teknolohiya ay ginamit sa marahas na paggamit, maari itong magdulot ng paghahamok sa lipunan. Tulad na lamang ng kasalukuyang digmaan sa pagitan ng South Korea-Estados Unidos at North Korea. Ang North Korea ay nagdeklara ng digmaan gamit ang kanilang mga makapangyarihan sandata (Nuclear Armaments) na kayang umubos ng milyon-milyong tao sa isang iglap. Dito makikita ang hindi wastong paggamit ng teknoloyiha na nagdudulot ng digmaan. 


Tulad sa Doraemon, ang mga hinihiram ng gadget ni Nobita kay Doraemon sa paglutas ng kanyang mga problema sa laging palpak ang kinalalabasan. Ito ay dahil sa kanyang maling paggamit na pansariling interes niya lamang ang kanyang iniisip.
Sa kabuuan, sa paghahamibing ng anime series na Doraemon sa konteksto Japan ay isang makabuluhang pagaanalisa ng dimension ng kultura, pulitika at lipunan. Dito makikita kung paano nga ba nagdudulot ng mabuti o masamang epekto ang teknolohiya sa pangaraw-araw na kabuhayan.

PAPER: Field Trip



Kahit saang lupalop ka man manggaling, hindi mo maikakaila ang ganda ng Pilipinas. Sikat ang Pilipinas dahil sa angking likas yaman nito. Tulad na lamang ng aming pinuntanhang lugar sa probinsya ng Laguna. Iisa man ang probinsyang aming dinayo at binisita, iba’t ibang pagpapahayag naman aming napuna at natutunan sa magkakaibang lugar.

Una naming pinuntahan ang Paseo de Sta. Rosa. Dito makikita mo ang isang sibilisadong lugar sa gitna ng kapatagan ng palayan. Madaming mga nakatayong establisyemento o mga naglalakihang gusali tulad ng restawran, window shops at marami pang iba na para bagang eksklusibo sa mata ng marami. Masasabi natin na ito ay parang disenyong inukit mula sa perspektibo ng kanluranin sapagkat makikita mo agad sa istraktura ang ideya ng modernisasyon. Mapapansin rin natin na ang mga taong nagpupunta dito ay mayayaman at nasa middle class sapagkat upang makabisita at makarating sa lugar na ito kinakailangan mo ng sariling sasakyan. Isa pa nito, makikita mo na hindi lamang mga branded na produkto ang binebenta dahil may mga maliliit na negosyo (accessories, shoes, etc) rin ang kumikita rito. 

Sa kabilang dako, binisita namin ang SM Calamba. Para sa akin, wala namang pagkakaiba ito sa mga SM sa ibang lugar. Pare-pareho lang naman kasi ang buong disenyo at mga produktong binebenta. Hindi gaya sa Paseo de Santa Rosa na ekslusibong lugar, ang SM Calamba ay maaaring puntahan ng kahit sinuman.  

Sa Liliw, Laguna, na kung saan tsinelas ang pangunahing produkto, mapapansin ang kaugnayan ng kultura at kapitalismo. Nabubuhay ang mga tao rito sa kanilang pangunahing produkto na dinarayo ng mga iba’t ibang tao tulad ng mga turista. Kung kaya, nagiging sentro ng kultura ang kapitalismo. Upang matustusan ang kabuhayan sa kanilang lugar, ang kultura ang nagsilbing daan upang maging direksyon ng atraksyon hindi lamang sa kanilang lugar kundi pati na rin sa buong probinsya ng Laguna. Dahil dito, masaganang naitataguyod ng mga mamamayan ang kanilang pamumuhay at pati na rin ang pagpapanatili ng kanilang kultura. 


Nagpunta rin kami sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Banos (UPLB), upang mapag-aralan ang pamumuhay ng mga taga rito. Dito, nalaman ko na ang aking propesor sa kursong Kultura at Putilika ay nagtuturo pala ng aerobics. Ang kanyang istilo ng pagtuturo ay hindi gaya sa mga pangkaraniwan sapagkat kung ang mga iba ay makabagong musika ang ginagamit, hinahango naman niya ay mga katutubong kanta na nagpapahayag ng kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Ang aerobics naman sa SM Calamba, kung ating mapapansin, ay nagiging sentro ng pansin dahil marami na ring lumalahok dito. Isa pa nito, bilang kasapi ng grupong ito, sila ay may unipormeng isinusuot          na may iba’t ibang kulay bawat araw na di gaya sa UPLB na kaswal lamang. Ang pagkakahalintulad ng aerobics sa UPLB at SM Calamba ay ang paglahok ng mga tao rito na nagpapahiwatig ng pakikibagay at pakikiisa sa bawat isa. Kung mapapansin natin, ang mga ito ay alin sa mga halimbawa ng mga kaugalian ng mga Pilipino tungo kapwa. Ang pinagka-iba naman ng aerobics sa dalawang magkaibang lugar ay ang lokasyon. Masasabi natin na ito ay mahalagang elemento upang ma-analisa ang paksa. Sa SM Calamba, limitado lamang ang espasyo sa paggawa ng aktibidad hindi lamang aerobics. Samantala, ang UPLB naman ay isang isang malawak o malaking lugar na kung saan madaming mga tao ang iyong makakasalamuha sapagkat ito sa tahanan ng tinatawag na “healthy lifestyle”. Makikita rito ang mga iba’t ibang taong nag-eehersisyo at naglalaro tulad ng aerobics, jogging, football, basketball at marami pang iba.
Habang kami ay nasa loob ng UPLB, pinag-aralan din namin ang pamumuhay nila partikular sa gabi. Tunay na aking maibibigkas na ito ay isang malayang lugar na kung saan, sa iyong unang pagtingin, simple lamang ang kanilang pamumuhay sapagkat madaming mga kainan at pamilihan ang nakatayo rito. Sapamamagitan nito makikita natin ang interaksyon ng mga mamayan na tulad sa Liliw, Laguna. Isang halimbawa ay ang mga mamimili—kadalasan ito ay ang mga estudyante ng pamantansan—at mga nagtitinda at nagbibigay ng iba’t ibang produkto at serbisyo. Ang market dito, sa aking pananaw, ay sapat na natutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan dahil madami at iba’t ibang produkto at serbisyo ang mga nakahain. Kung kaya, masagana at masayang namumuhay ang mga resisdente rito.


Syempre, hindi makukumpleto ang aming fieldtrip kung hindi namin mabibisita ang isa sa mga prominenteng pulitko na ama ng aming kaklase na si si Gov. ER Ejercito, ang kagalang-galang na gobernador ng Laguna. Siya ay nagkwento tungkol sa kanyang personal na buhay at sa estado ng Laguna mula dati hanggang ngayon. Hindi natin maikakaila na siya ay kabilang sa mga political dynasty at isang sikat na actor na gumanap na bidang karakter na humakot ng maraming award sa pelikula tulad ng Manila Kingpin: Asyong Salonga at El Presidente. Ayon sa kanyang mga nasabi, malaki ang inunlad ng Laguna noong siya ang umupo sa pwesto. Ito ay kanyang napatunayan base sa statistika at mabilis na pagbabago ng mga lugar. Napatunayan nya rin na siya ay isang magaling na ehemplo sa pulitika sapagkat noong siya ay umupo bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna, malaki ang binagbago nito tungo sa kaunlaran ng mga mamamayan. 

Sa aking mga huling salita, nais kong iparating na masaya at punong-puno ng aral ang aming fieldtrip sa Laguna sapagkat madami akong natutunan patungkol sa pulitika na kaugnay ang kultura. Tunay nga namang mararamdaman mo ang pagka-Pilipino sapamamagitan ng simpleng pagbisita sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

Lunes, Abril 1, 2013

CRITICAL WESTERN THEORY: Critical Commentary


Sa tuwing ako ay napapaisip sa mga nangyayari sa aking paligid, maraming pagpapahayag aking nakikita, ngunit, ang mga ito ba ay sapat nang dahilan upang maintindihan ang lipunang aking ginagalawan? Kumbaga, napapaisip pa rin ako kung ano nga ba ang mga nakatagong misteryo na bumuo sa balangkas ng lipunan. Sa blog na ito bibigyang puna ang kaugnayan ng kultura at ekonomiya sa paguukit ng isang lipunan na nakapaloob sa pagtatalakay ng Critical Western Theory.

Walang duda, masasabi natin na ang paglago ng Kapitalismo ay dulot ng materyal pangangailangan ng tao sa pangaraw-araw na pamumuhay. Sa gayong dahilan nabuo ang pagkakahati ng lipunan (social class). Hindi natin maitatanggi na kung sino ang may hawak ng kapital ang siyang may kapangyarihan magpatakbo ng sistema ng ekonomiya. Kung kaya, nasa kamay lamang ng kaunti ang kapangyarihan na karaniwang nagdudulot ng paniniil sa mga manggagawa. Sa maikling salita, kapitalista ang nangibabaw sa kamalayan ng mga tao. Kung ating titignan ang Pilipinas sa situwasyong ito, kilala ang bansa sa pagbibigay ng malaking serbisyo sa iba’t ibang tulad ng Domestic Helper, katulong o kasambahay (maid), nurse, at marami pang iba. Patunay lamang ito na ang Pilipinas ay nakadepende sa ibang bansa. Sumakatuwid, imbis na manatili at magtrabaho dito sa Pilipinas ang ating mga mamamayan na nagtataglay ng talento at katalinuhan ay nangingibang-bansa sa pag-aakalang mas maganda ang pamumuhay at mas malaki ang kita kaysa sa loob ng bansa. Dito palang, makikita na natin ang kahirapan ng bansa na nagdudulot ng malaking pangangailangan ng mga mamamayan. Likas naman sa yamang mineral ang Pilipinas, bakit nga ba nagkaganoon? Siguro nga, ang mga ito ay nasa kamay lamang ng kakaunti at hindi naipamahagi sa pangkalahatan.
Sa kabilang dako, ano nga ba ang relasyon ng kapitalismo (ekonomiya) sa kultura? Ito ay may magka-ibang layunin o pagkatao na nagsasalungat sa bawat-isa. Kung dati, sa mga pag-aaral at pagsusuring itinaguyod ni Karl Marx, hindi niya napansin ang epekto ng kultura sa ekonomiya. Kung ating susuriin, sa panahong ito makikita natin ang impluwensya ng kultura sa kamalayan ng tao. Ang kultura kasi ay madaling naisasalin sapamamagitan ng teknolohiya tulad ng telebisyon, radyo, dyaryo at marami pang iba. Isa pa nito, ang kultura ay dumadami at bumubuo pa ng isang kultura na nararanasan ng bawat indibidwal. Kumbaga, nabubuo ang isang sikat na paksa na tinatangkilik ng mga mamamayan para sa pansariling kasiyahan. Isang halimbawa nito ay ang mga teleseryeng ipinapalabas sa telebisyon. Masasabi natin na ito ay binibigyang pansin ng karamihan sapagkat ito ay nagdudulot ng kasiyahan sa marami. Kung iuugnay naman ito sa ekonomiya, kumikita ang mga TV Networks dito dahil nahihikayat nito ang mga manonood na tangkilikin ang kanilang programa.
Bago ako magtapos, sana maliwag kong naipahayag ang konsepto ng aking pakay sapamamagitan ng pagbibigay ng mga halimbawa na nagsisilbing suporta upang maintindihan ito. Tunay nga naman na ang kultura at kapitalismo ay magkaugnay ngunit independent sa isa’t isa. At ito ang dahilan upang kritikal na maintindihan ang lipunang ating ginagalawan.