Linggo, Marso 31, 2013

INDIGENOUS FILIPINO: Critical Commentary


Indigenous Filipino
Pilipino ka ba? Gaano ka kasigurado na ikaw ay Pilipino? Dahil ba ay ikaw ay nakatira dito sa Pilipinas, eh, matatawag mo nang ikaw ay isang Pilipino? Eh paano yung mga dayuhan na nakatira na dito, Pilipino na ba sila? Dahil ba sa ang ilong mo ay pango, Pilipino na ang tawag sa’yo? Eh paano naman yung mga karatig bansa natin tulad ng Malaysia at Indonesia, karamihan din naman sa kanila ay pango? Marunong ka ngang magsalita ng Pilipino, Pilipino ka na bang turing? Karamihan na nga sa mga kabataan ngayong panahon na ito ay Ingles kung magsalita, mapa-loob o mapa-labas ng tahanan. Ito ang mga kalimitang naitatanong sa ating mga Pilipino upang masukat ang pagka-Pilipino. Gayunpaman, paano ko nga ba masusukat ang aking pagka-Pilipino? Ito ang aking mga tatalakayin dito sa aking blog mula sa konteksto ng Indigenous Filipino.
Sa dinami-dami ng mga mananakop na sumakop sa ating bansa sa pagkahaba-habang panahon, anu-ano nga ba ang mga bumuo sa ating pagkatao bilang Pilipino? Hindi taliwas sa ating kaisipan ang tatlong mag-kaugnay ng kaugalian ng mga Pilipino: Utang na loob, Pakikisama at Hiya. Ang utang na loob ay kadalasang nakikita sa iba’t ibang lugar o pangyayari. Tulad na lamang sa pulitika, kailangan mong magbigay ng kapalit (pera o anumang bagay) sa mga taong nagbigay sa iyo ng malaking suporta bilang pagtanaw ng utang na loob. Ang Pilipino na naman ay mahilig makisama o marunong makisama sa anumang bagay o sa kahit sino. Kung babalikan natin ang kasaysayan, buong loob na tinanggap ng mga Pilipino ang mga Kastila sa pagkakaalam na sila ay mabubuti at makatutulong. Ang hiya salik naman ay madalas maihayag bilang respeto sa kapwa. Sa aking mga karanasan, kapag ang Pilipino ay nadaan sa isang pamilya na kumakain, ito ay kanilang aanyayahan ngunit siya a tatanggi kahit siya’y hindi pa kumakain at nagugutom. Nakakatuwa man pagmasdan, ito pa rin ay isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino.
Sa kabilang dako naman, ang mga Pilipino ay may mga negatibong katangiang pagpapalagay. Ito ay ang mga mamaya na, ningas cogon, bahala na at talangaka mentality. Masasabi natin na ito ay ating namana sa paglipas ng panahon. Ngunit, paano ba natin mapagtatagumpayan ang isang bagay sapamamagitan ng mga ito? Mahilig ang Pilipino sa mamaya na. Maari itong gawing positibo sapamamagitan paghihimay-himay o pagiisa-isa ng mga importanteng bagay. Sa maikling salita, unahin muna ang mga bagay na importante kaysa sa hindi gaanong mahalagang bagay. Isa pa nito ang salitang laging sinasabi natin bahala na. Tuwing kukuha ng pagsusulit, ito ang madalas na naririnig ko mula sa mga estudyante. Ngunit, maaari itong gawing positibo sa paghimok sa sarili na harapin ang mahihirap na bagay.
Para sa akin, hindi lamang kaugalian o kultura ang nagsisilbing sukatan bilang isang Pilipino. Maihahayag lang natin ang mga ito sapamamagitan ng pag-uunay sa wika sapagkat ang kultura at katambal ng wika. Daang-daang dialekto man meron ang Pilipinas, wikang Pilipino pa rin ang nagbubuklod sa mga mamamayan.
Ang mensahe kantang ito ni Francis Magalona ay ang magmulat sa Pilipino tungo sa pagkakaisa. Pilipino man tayo, may kanya-kanya rin tayong pangarap at mithiin sa buhay na walang sinuman ang pwede humadlang. Nais rin ipahiwatig ng kantang ito na ang Pilipino ay malakas ang loob sa lahat ng problema kaya’t tayo’y magtulungan tungo sa kaunlaran.

POSTCOLONIALISM: Critical Commentary


Maraming taon man ang lumapas mula sa pananakop, masasabi ko naman na nananatili pa rin ang pagka-Pilipino ng mga mamamayan ng Pilipinas.  Ang kasaysayan ay isang mahalagang elemento na nagbibigay bakas sa mga mahahalagang pangyayari na nagbuklod sa bawat Pilipino tungo sa kalayaan. Ito ang nagsisilbing pinagmulan ng ating mga kultura at tradisyon na bumubuo ng ating identidad bilang mga Pilipino.
Hindi man lingid sa ating kaalaman, napakalaki ng epekto ng koloniyalismo hindi lang sa pagbubuo ng sariling bansa bagkus, pati na rin sa pagkilala sa ating mga sarili bilang mga Pilipino. Kung mapapasin natin, bakit nga ba mahilig ang mga Pilipino sa pagtangkilik ng mga  produktong banyaga (colonial mentality)? Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga iba’t ibang klaseng damit na mamahalin at kilala sa ibang bansa tulad ng Zara, Armani, Lacoste, Nike at marami pang iba. Bilang isang Pilipino, masarap magsuot ng mga ganitong mamahaling gamit sapagkat nakadaragdag nga naman ito ng kompiyansa sa sarili. Isa pa nito ay hindi lahat ng Pilipino ay kayang bumili ng ganitong mga damit.

Isa pa sa mga halimbawa nito ay ang pagtangkilik sa iba’t ibang klaseng laro tulad ng basketball. Marami sa atin ang nakahiligang manuod ng NBA, ang pinakasikat na liga ng basketbol sa buong mundo. Dito sa pilipinas, madami rin naming mga liga ng basketbol tulad ng PBA, UAAP Basketball, at iba pa, bakit pa natin ito tinatangkilik ng husto? Dahil ba mas magagaling ang mga manlalaro ng NBA kaysa sa PBA? Tapos na ang laban, mas magagaling nga naman ang mga atleta sa ibang bansa sa larangan ng basketbol. Masarap kasing manuod ng mga basketbol moves na malulupit lalo na ang moves ng pinakamagaling na basketbolista sa kasaysayan na si Michael Jordan.

Sa larangan naman ng boxing, tunay na maipagmamalaki natin ang nag-iisa nating boksingerong si Manny Pacquiao. Siya ang tinaguriang may hawak ng pinakamaraming titulo sa boxing sa magkakaibang dibisyon. Tuwing siya ay lumalaban, hindi lang Pilipinas ang humihinto sa paggalaw, pati na rin ang buong mundo. Ngunit, noong siya ay matalo sa kanyang huling dalawang laban, bakit nga ba hindi na sya ganoon pinupuri at kasikat? Ito ba ay dahil sa laos na sya? Pilipino naman sya hindi ba? Dapat pa rin natin na siya ay ipagmalaki hangga’t siya ay magretiro sa mundo ng boxing sapagkat, WALANG DUDA, si Manny Pacquiao ang dahilan kung bakit lubos na nakilala ang Pilipinas sa bawat sulok ng mundo. Ngayong siya nasa sitwasyon ng pagkalugmok, dapat natin ipakita ang lubos na suporta ng buong mamamayang Pilipino sa kanya upang bumangon at upang maipakitang muli sa buong mundo ang talento at kagalingan ng mga Pinoy.

Sa kabilang dako, alam natin na mahilig ang mga Pilipino sa pagkain, ngunit, ano nga ba ang tunay na putahe ng mga Pilipino? Adobo, lechon, bulalo? Eeh lahat naman ng mga ito ay galing, o kaya naman hango, sa pagkain noong panahon ng mga mananakop. Kung mapapansin din natin, walang fine dining restaurant ang mga Pilipino mapa-loob o mapa-labas man ng bansa. Siguro, ito ay sa kadahilanang ang mga Pilipino ay mahilig kumain hindi dahil sa nakahain, kundi sa mga taong nakapaligid sa kanya habang sila’y sabay-sabay kumakain. Sa maikling salita, mas mahalaga sa mga Pilipino ang sabay-sabay sa pagkain kahit anumang pagkain ang ihain sa hapag. Ito ay isa sa mga halimbawa ng mga tradisyon ng mga Pilipino.
Sa dinami-dami ng mga kulturang Pilipino na napanatili sa haba ng panahon, dapat din nating isipin ang mga bagay kung paano natin maipapakita ang ating pagka-Pilipino sapamamagitan ng pagtangkilik ng sariling atin. Marihap man iwasan ang mga nakagawian (western consciousness), dapat pa rin natin itaguyod sa mas mataas na lebel ang ating lahi kahit sa mga simpleng bagay ng pakikilahok at pagsuporta sa bansa. Sapamamagitan nito, makikita natin kung ano nga ba ang nakapaloob sa identidad ng mga Pilipino. 

Mga Sanggunian:
Contreras, A. (2012). QUALPOL: Lecture Notes
Google.com.ph/images

Lunes, Marso 4, 2013



Sila at Ako ang mga Kalaban Ko

Paano natin makakamit ang katarungan kung hindi ka lalaban na sa iyong pananaw tama ang iyong ipinaglalaban? Upang imulat ang sarili sa katotohanan, dapat nating tanggapin ang mga bagay-bagay na ang paligid ay binubuo ng mga pangyayari na hindi kadalasan angkop sa ating pansariling intensiyon. Ang bawat sarili ay may kakayanan upang lumaban at magtiis sa patimpalak ng buhay.

Sa kursong Kultura at Pulitika, natutunan ko ang mga paraan kung paano lumaban at gamitin ang potensyal na kapangyarihan laban sa mga taong mapaniil at mapagmataas—paggamit ng kapangyarihan sa mabuting paraan. Ngunit, pumasok sa aking isipan ang isang katanungan na tungkol sa paggamit ng kapangyarihan laban sa sarili. Paano ko ba maipahahayag at maipapakilala ang kapangyarihan patungo sa aking sarili? Isang halimbawa nito ay ang paglikha ng mga simple at kritikal desisyon sa mga pangyayari o problemang hinaharap. Ako ay naniniwala na ang lahat ng tao ay rasyonal sa paggawa ng tama at karapat-dapat na mga desisyon sa buhay. Ngunit, may mga tao talaga na hindi ginagamit ang kakayahang ito kaya’t sila’y kadalasang nagkakamali. May mga pangyayari rin na kahit ginamit mo ito ay magkakamali at magkakamali ka pa rin sa kadahilanang ang mga bagay na sa tingin at napag-aralan mo ay akma ay hindi pala wasto o tama. Kung kaya kailangan timbangin ang bawat sitwasyon na pinagdadaanan sapamamagitan ng dalawang magkasalungat na instrument, ang puso at ang isip. Para sa akin, wala ni isa man sa dalawa ang mas matimbang sa paglikha ng mga desisyon at kilos. Ang paggamit ng puso at isip sa magkasabay na paraan at oras ay ang susi sa pag-intindi ng problema upang masolusyonan ito ng walang bahid ng alinlangan. Magkamali man ako, napatunayan ko naman sa aking sarili na ito ang dapat kong gawin, kung kaya, sa mga susunod na kabanata ng aking buhay, ako ay matututo sa mga pagkakamaling ito at malilinawan sa hamon ng buhay na hindi kailangan sumuko at dapat ipagpatuloy ang buhay na ibinigay ng Diyos na Maykapal.