Linggo, Marso 31, 2013

INDIGENOUS FILIPINO: Critical Commentary


Indigenous Filipino
Pilipino ka ba? Gaano ka kasigurado na ikaw ay Pilipino? Dahil ba ay ikaw ay nakatira dito sa Pilipinas, eh, matatawag mo nang ikaw ay isang Pilipino? Eh paano yung mga dayuhan na nakatira na dito, Pilipino na ba sila? Dahil ba sa ang ilong mo ay pango, Pilipino na ang tawag sa’yo? Eh paano naman yung mga karatig bansa natin tulad ng Malaysia at Indonesia, karamihan din naman sa kanila ay pango? Marunong ka ngang magsalita ng Pilipino, Pilipino ka na bang turing? Karamihan na nga sa mga kabataan ngayong panahon na ito ay Ingles kung magsalita, mapa-loob o mapa-labas ng tahanan. Ito ang mga kalimitang naitatanong sa ating mga Pilipino upang masukat ang pagka-Pilipino. Gayunpaman, paano ko nga ba masusukat ang aking pagka-Pilipino? Ito ang aking mga tatalakayin dito sa aking blog mula sa konteksto ng Indigenous Filipino.
Sa dinami-dami ng mga mananakop na sumakop sa ating bansa sa pagkahaba-habang panahon, anu-ano nga ba ang mga bumuo sa ating pagkatao bilang Pilipino? Hindi taliwas sa ating kaisipan ang tatlong mag-kaugnay ng kaugalian ng mga Pilipino: Utang na loob, Pakikisama at Hiya. Ang utang na loob ay kadalasang nakikita sa iba’t ibang lugar o pangyayari. Tulad na lamang sa pulitika, kailangan mong magbigay ng kapalit (pera o anumang bagay) sa mga taong nagbigay sa iyo ng malaking suporta bilang pagtanaw ng utang na loob. Ang Pilipino na naman ay mahilig makisama o marunong makisama sa anumang bagay o sa kahit sino. Kung babalikan natin ang kasaysayan, buong loob na tinanggap ng mga Pilipino ang mga Kastila sa pagkakaalam na sila ay mabubuti at makatutulong. Ang hiya salik naman ay madalas maihayag bilang respeto sa kapwa. Sa aking mga karanasan, kapag ang Pilipino ay nadaan sa isang pamilya na kumakain, ito ay kanilang aanyayahan ngunit siya a tatanggi kahit siya’y hindi pa kumakain at nagugutom. Nakakatuwa man pagmasdan, ito pa rin ay isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino.
Sa kabilang dako naman, ang mga Pilipino ay may mga negatibong katangiang pagpapalagay. Ito ay ang mga mamaya na, ningas cogon, bahala na at talangaka mentality. Masasabi natin na ito ay ating namana sa paglipas ng panahon. Ngunit, paano ba natin mapagtatagumpayan ang isang bagay sapamamagitan ng mga ito? Mahilig ang Pilipino sa mamaya na. Maari itong gawing positibo sapamamagitan paghihimay-himay o pagiisa-isa ng mga importanteng bagay. Sa maikling salita, unahin muna ang mga bagay na importante kaysa sa hindi gaanong mahalagang bagay. Isa pa nito ang salitang laging sinasabi natin bahala na. Tuwing kukuha ng pagsusulit, ito ang madalas na naririnig ko mula sa mga estudyante. Ngunit, maaari itong gawing positibo sa paghimok sa sarili na harapin ang mahihirap na bagay.
Para sa akin, hindi lamang kaugalian o kultura ang nagsisilbing sukatan bilang isang Pilipino. Maihahayag lang natin ang mga ito sapamamagitan ng pag-uunay sa wika sapagkat ang kultura at katambal ng wika. Daang-daang dialekto man meron ang Pilipinas, wikang Pilipino pa rin ang nagbubuklod sa mga mamamayan.
Ang mensahe kantang ito ni Francis Magalona ay ang magmulat sa Pilipino tungo sa pagkakaisa. Pilipino man tayo, may kanya-kanya rin tayong pangarap at mithiin sa buhay na walang sinuman ang pwede humadlang. Nais rin ipahiwatig ng kantang ito na ang Pilipino ay malakas ang loob sa lahat ng problema kaya’t tayo’y magtulungan tungo sa kaunlaran.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento