Huwebes, Abril 4, 2013

PAPER: Cultural Product



Sino nga ba naman ang sa atin ang hindi nakakakilala sa anime series na Doraemon? Mula pagkabata, siya na ang pinapalabas sa telebisyon upang maengganiyo ang mga manunuod. Ang Doraemon ang napili kong Cultural Product upang talakayin ito gamit ang approach ng Frankfurt School.

Ang buod ng kwento ng anime ay tungkol sa isang robot na pusang si Doraemon na nanggaling sa hinaharap upang tulungan ang batang si Nobita Nobi gamit ang kanyang mga makapangyarihang (high-tech) gadget o imbesyon. Ngunit, sa tuwing si Nobita ang ay may problema, si Doraemon ang pangunahing kaibigan na pinupuntahan niya upang malutas ang kanyang mga problema. Gayun pa man, sa tuwing siya ay pinapahiraman ng gamit ni Doraemon, siya ay laging palpak sa paggamit nito.
Gamit ang konsepto at teorya ng Frankfurt School, maari ko itong iugnay sa bansang Japan. Masasabi natin na ang Doraemon ay bahagi ng kultura ng Japan sapagkat ito ay isang anime. Ngunit, ano nga ba ang relasyon at epekto nito sa power relations ng lipunan?  Unang-una, ang Japan ay kilala sa kanilang makabagong teknolohiya na naghahayag ng kanilang maunlad na pamumuhay na katambal na rin ng kanilang kultura. Sa ibang salita, ang teknolohiya ang ay may mabuting idinudulot sa kanilang pamumuhay. Ngunit, kung ang teknolohiya ay ginamit sa marahas na paggamit, maari itong magdulot ng paghahamok sa lipunan. Tulad na lamang ng kasalukuyang digmaan sa pagitan ng South Korea-Estados Unidos at North Korea. Ang North Korea ay nagdeklara ng digmaan gamit ang kanilang mga makapangyarihan sandata (Nuclear Armaments) na kayang umubos ng milyon-milyong tao sa isang iglap. Dito makikita ang hindi wastong paggamit ng teknoloyiha na nagdudulot ng digmaan. 


Tulad sa Doraemon, ang mga hinihiram ng gadget ni Nobita kay Doraemon sa paglutas ng kanyang mga problema sa laging palpak ang kinalalabasan. Ito ay dahil sa kanyang maling paggamit na pansariling interes niya lamang ang kanyang iniisip.
Sa kabuuan, sa paghahamibing ng anime series na Doraemon sa konteksto Japan ay isang makabuluhang pagaanalisa ng dimension ng kultura, pulitika at lipunan. Dito makikita kung paano nga ba nagdudulot ng mabuti o masamang epekto ang teknolohiya sa pangaraw-araw na kabuhayan.

PAPER: Field Trip



Kahit saang lupalop ka man manggaling, hindi mo maikakaila ang ganda ng Pilipinas. Sikat ang Pilipinas dahil sa angking likas yaman nito. Tulad na lamang ng aming pinuntanhang lugar sa probinsya ng Laguna. Iisa man ang probinsyang aming dinayo at binisita, iba’t ibang pagpapahayag naman aming napuna at natutunan sa magkakaibang lugar.

Una naming pinuntahan ang Paseo de Sta. Rosa. Dito makikita mo ang isang sibilisadong lugar sa gitna ng kapatagan ng palayan. Madaming mga nakatayong establisyemento o mga naglalakihang gusali tulad ng restawran, window shops at marami pang iba na para bagang eksklusibo sa mata ng marami. Masasabi natin na ito ay parang disenyong inukit mula sa perspektibo ng kanluranin sapagkat makikita mo agad sa istraktura ang ideya ng modernisasyon. Mapapansin rin natin na ang mga taong nagpupunta dito ay mayayaman at nasa middle class sapagkat upang makabisita at makarating sa lugar na ito kinakailangan mo ng sariling sasakyan. Isa pa nito, makikita mo na hindi lamang mga branded na produkto ang binebenta dahil may mga maliliit na negosyo (accessories, shoes, etc) rin ang kumikita rito. 

Sa kabilang dako, binisita namin ang SM Calamba. Para sa akin, wala namang pagkakaiba ito sa mga SM sa ibang lugar. Pare-pareho lang naman kasi ang buong disenyo at mga produktong binebenta. Hindi gaya sa Paseo de Santa Rosa na ekslusibong lugar, ang SM Calamba ay maaaring puntahan ng kahit sinuman.  

Sa Liliw, Laguna, na kung saan tsinelas ang pangunahing produkto, mapapansin ang kaugnayan ng kultura at kapitalismo. Nabubuhay ang mga tao rito sa kanilang pangunahing produkto na dinarayo ng mga iba’t ibang tao tulad ng mga turista. Kung kaya, nagiging sentro ng kultura ang kapitalismo. Upang matustusan ang kabuhayan sa kanilang lugar, ang kultura ang nagsilbing daan upang maging direksyon ng atraksyon hindi lamang sa kanilang lugar kundi pati na rin sa buong probinsya ng Laguna. Dahil dito, masaganang naitataguyod ng mga mamamayan ang kanilang pamumuhay at pati na rin ang pagpapanatili ng kanilang kultura. 


Nagpunta rin kami sa Unibersidad ng Pilipinas, Los Banos (UPLB), upang mapag-aralan ang pamumuhay ng mga taga rito. Dito, nalaman ko na ang aking propesor sa kursong Kultura at Putilika ay nagtuturo pala ng aerobics. Ang kanyang istilo ng pagtuturo ay hindi gaya sa mga pangkaraniwan sapagkat kung ang mga iba ay makabagong musika ang ginagamit, hinahango naman niya ay mga katutubong kanta na nagpapahayag ng kultura at kasaysayan ng Pilipinas. Ang aerobics naman sa SM Calamba, kung ating mapapansin, ay nagiging sentro ng pansin dahil marami na ring lumalahok dito. Isa pa nito, bilang kasapi ng grupong ito, sila ay may unipormeng isinusuot          na may iba’t ibang kulay bawat araw na di gaya sa UPLB na kaswal lamang. Ang pagkakahalintulad ng aerobics sa UPLB at SM Calamba ay ang paglahok ng mga tao rito na nagpapahiwatig ng pakikibagay at pakikiisa sa bawat isa. Kung mapapansin natin, ang mga ito ay alin sa mga halimbawa ng mga kaugalian ng mga Pilipino tungo kapwa. Ang pinagka-iba naman ng aerobics sa dalawang magkaibang lugar ay ang lokasyon. Masasabi natin na ito ay mahalagang elemento upang ma-analisa ang paksa. Sa SM Calamba, limitado lamang ang espasyo sa paggawa ng aktibidad hindi lamang aerobics. Samantala, ang UPLB naman ay isang isang malawak o malaking lugar na kung saan madaming mga tao ang iyong makakasalamuha sapagkat ito sa tahanan ng tinatawag na “healthy lifestyle”. Makikita rito ang mga iba’t ibang taong nag-eehersisyo at naglalaro tulad ng aerobics, jogging, football, basketball at marami pang iba.
Habang kami ay nasa loob ng UPLB, pinag-aralan din namin ang pamumuhay nila partikular sa gabi. Tunay na aking maibibigkas na ito ay isang malayang lugar na kung saan, sa iyong unang pagtingin, simple lamang ang kanilang pamumuhay sapagkat madaming mga kainan at pamilihan ang nakatayo rito. Sapamamagitan nito makikita natin ang interaksyon ng mga mamayan na tulad sa Liliw, Laguna. Isang halimbawa ay ang mga mamimili—kadalasan ito ay ang mga estudyante ng pamantansan—at mga nagtitinda at nagbibigay ng iba’t ibang produkto at serbisyo. Ang market dito, sa aking pananaw, ay sapat na natutugunan ang pangangailangan ng mga mamamayan dahil madami at iba’t ibang produkto at serbisyo ang mga nakahain. Kung kaya, masagana at masayang namumuhay ang mga resisdente rito.


Syempre, hindi makukumpleto ang aming fieldtrip kung hindi namin mabibisita ang isa sa mga prominenteng pulitko na ama ng aming kaklase na si si Gov. ER Ejercito, ang kagalang-galang na gobernador ng Laguna. Siya ay nagkwento tungkol sa kanyang personal na buhay at sa estado ng Laguna mula dati hanggang ngayon. Hindi natin maikakaila na siya ay kabilang sa mga political dynasty at isang sikat na actor na gumanap na bidang karakter na humakot ng maraming award sa pelikula tulad ng Manila Kingpin: Asyong Salonga at El Presidente. Ayon sa kanyang mga nasabi, malaki ang inunlad ng Laguna noong siya ang umupo sa pwesto. Ito ay kanyang napatunayan base sa statistika at mabilis na pagbabago ng mga lugar. Napatunayan nya rin na siya ay isang magaling na ehemplo sa pulitika sapagkat noong siya ay umupo bilang alkalde ng Pagsanjan, Laguna, malaki ang binagbago nito tungo sa kaunlaran ng mga mamamayan. 

Sa aking mga huling salita, nais kong iparating na masaya at punong-puno ng aral ang aming fieldtrip sa Laguna sapagkat madami akong natutunan patungkol sa pulitika na kaugnay ang kultura. Tunay nga namang mararamdaman mo ang pagka-Pilipino sapamamagitan ng simpleng pagbisita sa iba’t ibang sulok ng Pilipinas.

Lunes, Abril 1, 2013

CRITICAL WESTERN THEORY: Critical Commentary


Sa tuwing ako ay napapaisip sa mga nangyayari sa aking paligid, maraming pagpapahayag aking nakikita, ngunit, ang mga ito ba ay sapat nang dahilan upang maintindihan ang lipunang aking ginagalawan? Kumbaga, napapaisip pa rin ako kung ano nga ba ang mga nakatagong misteryo na bumuo sa balangkas ng lipunan. Sa blog na ito bibigyang puna ang kaugnayan ng kultura at ekonomiya sa paguukit ng isang lipunan na nakapaloob sa pagtatalakay ng Critical Western Theory.

Walang duda, masasabi natin na ang paglago ng Kapitalismo ay dulot ng materyal pangangailangan ng tao sa pangaraw-araw na pamumuhay. Sa gayong dahilan nabuo ang pagkakahati ng lipunan (social class). Hindi natin maitatanggi na kung sino ang may hawak ng kapital ang siyang may kapangyarihan magpatakbo ng sistema ng ekonomiya. Kung kaya, nasa kamay lamang ng kaunti ang kapangyarihan na karaniwang nagdudulot ng paniniil sa mga manggagawa. Sa maikling salita, kapitalista ang nangibabaw sa kamalayan ng mga tao. Kung ating titignan ang Pilipinas sa situwasyong ito, kilala ang bansa sa pagbibigay ng malaking serbisyo sa iba’t ibang tulad ng Domestic Helper, katulong o kasambahay (maid), nurse, at marami pang iba. Patunay lamang ito na ang Pilipinas ay nakadepende sa ibang bansa. Sumakatuwid, imbis na manatili at magtrabaho dito sa Pilipinas ang ating mga mamamayan na nagtataglay ng talento at katalinuhan ay nangingibang-bansa sa pag-aakalang mas maganda ang pamumuhay at mas malaki ang kita kaysa sa loob ng bansa. Dito palang, makikita na natin ang kahirapan ng bansa na nagdudulot ng malaking pangangailangan ng mga mamamayan. Likas naman sa yamang mineral ang Pilipinas, bakit nga ba nagkaganoon? Siguro nga, ang mga ito ay nasa kamay lamang ng kakaunti at hindi naipamahagi sa pangkalahatan.
Sa kabilang dako, ano nga ba ang relasyon ng kapitalismo (ekonomiya) sa kultura? Ito ay may magka-ibang layunin o pagkatao na nagsasalungat sa bawat-isa. Kung dati, sa mga pag-aaral at pagsusuring itinaguyod ni Karl Marx, hindi niya napansin ang epekto ng kultura sa ekonomiya. Kung ating susuriin, sa panahong ito makikita natin ang impluwensya ng kultura sa kamalayan ng tao. Ang kultura kasi ay madaling naisasalin sapamamagitan ng teknolohiya tulad ng telebisyon, radyo, dyaryo at marami pang iba. Isa pa nito, ang kultura ay dumadami at bumubuo pa ng isang kultura na nararanasan ng bawat indibidwal. Kumbaga, nabubuo ang isang sikat na paksa na tinatangkilik ng mga mamamayan para sa pansariling kasiyahan. Isang halimbawa nito ay ang mga teleseryeng ipinapalabas sa telebisyon. Masasabi natin na ito ay binibigyang pansin ng karamihan sapagkat ito ay nagdudulot ng kasiyahan sa marami. Kung iuugnay naman ito sa ekonomiya, kumikita ang mga TV Networks dito dahil nahihikayat nito ang mga manonood na tangkilikin ang kanilang programa.
Bago ako magtapos, sana maliwag kong naipahayag ang konsepto ng aking pakay sapamamagitan ng pagbibigay ng mga halimbawa na nagsisilbing suporta upang maintindihan ito. Tunay nga naman na ang kultura at kapitalismo ay magkaugnay ngunit independent sa isa’t isa. At ito ang dahilan upang kritikal na maintindihan ang lipunang ating ginagalawan. 

Linggo, Marso 31, 2013

INDIGENOUS FILIPINO: Critical Commentary


Indigenous Filipino
Pilipino ka ba? Gaano ka kasigurado na ikaw ay Pilipino? Dahil ba ay ikaw ay nakatira dito sa Pilipinas, eh, matatawag mo nang ikaw ay isang Pilipino? Eh paano yung mga dayuhan na nakatira na dito, Pilipino na ba sila? Dahil ba sa ang ilong mo ay pango, Pilipino na ang tawag sa’yo? Eh paano naman yung mga karatig bansa natin tulad ng Malaysia at Indonesia, karamihan din naman sa kanila ay pango? Marunong ka ngang magsalita ng Pilipino, Pilipino ka na bang turing? Karamihan na nga sa mga kabataan ngayong panahon na ito ay Ingles kung magsalita, mapa-loob o mapa-labas ng tahanan. Ito ang mga kalimitang naitatanong sa ating mga Pilipino upang masukat ang pagka-Pilipino. Gayunpaman, paano ko nga ba masusukat ang aking pagka-Pilipino? Ito ang aking mga tatalakayin dito sa aking blog mula sa konteksto ng Indigenous Filipino.
Sa dinami-dami ng mga mananakop na sumakop sa ating bansa sa pagkahaba-habang panahon, anu-ano nga ba ang mga bumuo sa ating pagkatao bilang Pilipino? Hindi taliwas sa ating kaisipan ang tatlong mag-kaugnay ng kaugalian ng mga Pilipino: Utang na loob, Pakikisama at Hiya. Ang utang na loob ay kadalasang nakikita sa iba’t ibang lugar o pangyayari. Tulad na lamang sa pulitika, kailangan mong magbigay ng kapalit (pera o anumang bagay) sa mga taong nagbigay sa iyo ng malaking suporta bilang pagtanaw ng utang na loob. Ang Pilipino na naman ay mahilig makisama o marunong makisama sa anumang bagay o sa kahit sino. Kung babalikan natin ang kasaysayan, buong loob na tinanggap ng mga Pilipino ang mga Kastila sa pagkakaalam na sila ay mabubuti at makatutulong. Ang hiya salik naman ay madalas maihayag bilang respeto sa kapwa. Sa aking mga karanasan, kapag ang Pilipino ay nadaan sa isang pamilya na kumakain, ito ay kanilang aanyayahan ngunit siya a tatanggi kahit siya’y hindi pa kumakain at nagugutom. Nakakatuwa man pagmasdan, ito pa rin ay isa sa mga kaugalian ng mga Pilipino.
Sa kabilang dako naman, ang mga Pilipino ay may mga negatibong katangiang pagpapalagay. Ito ay ang mga mamaya na, ningas cogon, bahala na at talangaka mentality. Masasabi natin na ito ay ating namana sa paglipas ng panahon. Ngunit, paano ba natin mapagtatagumpayan ang isang bagay sapamamagitan ng mga ito? Mahilig ang Pilipino sa mamaya na. Maari itong gawing positibo sapamamagitan paghihimay-himay o pagiisa-isa ng mga importanteng bagay. Sa maikling salita, unahin muna ang mga bagay na importante kaysa sa hindi gaanong mahalagang bagay. Isa pa nito ang salitang laging sinasabi natin bahala na. Tuwing kukuha ng pagsusulit, ito ang madalas na naririnig ko mula sa mga estudyante. Ngunit, maaari itong gawing positibo sa paghimok sa sarili na harapin ang mahihirap na bagay.
Para sa akin, hindi lamang kaugalian o kultura ang nagsisilbing sukatan bilang isang Pilipino. Maihahayag lang natin ang mga ito sapamamagitan ng pag-uunay sa wika sapagkat ang kultura at katambal ng wika. Daang-daang dialekto man meron ang Pilipinas, wikang Pilipino pa rin ang nagbubuklod sa mga mamamayan.
Ang mensahe kantang ito ni Francis Magalona ay ang magmulat sa Pilipino tungo sa pagkakaisa. Pilipino man tayo, may kanya-kanya rin tayong pangarap at mithiin sa buhay na walang sinuman ang pwede humadlang. Nais rin ipahiwatig ng kantang ito na ang Pilipino ay malakas ang loob sa lahat ng problema kaya’t tayo’y magtulungan tungo sa kaunlaran.

POSTCOLONIALISM: Critical Commentary


Maraming taon man ang lumapas mula sa pananakop, masasabi ko naman na nananatili pa rin ang pagka-Pilipino ng mga mamamayan ng Pilipinas.  Ang kasaysayan ay isang mahalagang elemento na nagbibigay bakas sa mga mahahalagang pangyayari na nagbuklod sa bawat Pilipino tungo sa kalayaan. Ito ang nagsisilbing pinagmulan ng ating mga kultura at tradisyon na bumubuo ng ating identidad bilang mga Pilipino.
Hindi man lingid sa ating kaalaman, napakalaki ng epekto ng koloniyalismo hindi lang sa pagbubuo ng sariling bansa bagkus, pati na rin sa pagkilala sa ating mga sarili bilang mga Pilipino. Kung mapapasin natin, bakit nga ba mahilig ang mga Pilipino sa pagtangkilik ng mga  produktong banyaga (colonial mentality)? Ang ilan sa mga halimbawa nito ay ang mga iba’t ibang klaseng damit na mamahalin at kilala sa ibang bansa tulad ng Zara, Armani, Lacoste, Nike at marami pang iba. Bilang isang Pilipino, masarap magsuot ng mga ganitong mamahaling gamit sapagkat nakadaragdag nga naman ito ng kompiyansa sa sarili. Isa pa nito ay hindi lahat ng Pilipino ay kayang bumili ng ganitong mga damit.

Isa pa sa mga halimbawa nito ay ang pagtangkilik sa iba’t ibang klaseng laro tulad ng basketball. Marami sa atin ang nakahiligang manuod ng NBA, ang pinakasikat na liga ng basketbol sa buong mundo. Dito sa pilipinas, madami rin naming mga liga ng basketbol tulad ng PBA, UAAP Basketball, at iba pa, bakit pa natin ito tinatangkilik ng husto? Dahil ba mas magagaling ang mga manlalaro ng NBA kaysa sa PBA? Tapos na ang laban, mas magagaling nga naman ang mga atleta sa ibang bansa sa larangan ng basketbol. Masarap kasing manuod ng mga basketbol moves na malulupit lalo na ang moves ng pinakamagaling na basketbolista sa kasaysayan na si Michael Jordan.

Sa larangan naman ng boxing, tunay na maipagmamalaki natin ang nag-iisa nating boksingerong si Manny Pacquiao. Siya ang tinaguriang may hawak ng pinakamaraming titulo sa boxing sa magkakaibang dibisyon. Tuwing siya ay lumalaban, hindi lang Pilipinas ang humihinto sa paggalaw, pati na rin ang buong mundo. Ngunit, noong siya ay matalo sa kanyang huling dalawang laban, bakit nga ba hindi na sya ganoon pinupuri at kasikat? Ito ba ay dahil sa laos na sya? Pilipino naman sya hindi ba? Dapat pa rin natin na siya ay ipagmalaki hangga’t siya ay magretiro sa mundo ng boxing sapagkat, WALANG DUDA, si Manny Pacquiao ang dahilan kung bakit lubos na nakilala ang Pilipinas sa bawat sulok ng mundo. Ngayong siya nasa sitwasyon ng pagkalugmok, dapat natin ipakita ang lubos na suporta ng buong mamamayang Pilipino sa kanya upang bumangon at upang maipakitang muli sa buong mundo ang talento at kagalingan ng mga Pinoy.

Sa kabilang dako, alam natin na mahilig ang mga Pilipino sa pagkain, ngunit, ano nga ba ang tunay na putahe ng mga Pilipino? Adobo, lechon, bulalo? Eeh lahat naman ng mga ito ay galing, o kaya naman hango, sa pagkain noong panahon ng mga mananakop. Kung mapapansin din natin, walang fine dining restaurant ang mga Pilipino mapa-loob o mapa-labas man ng bansa. Siguro, ito ay sa kadahilanang ang mga Pilipino ay mahilig kumain hindi dahil sa nakahain, kundi sa mga taong nakapaligid sa kanya habang sila’y sabay-sabay kumakain. Sa maikling salita, mas mahalaga sa mga Pilipino ang sabay-sabay sa pagkain kahit anumang pagkain ang ihain sa hapag. Ito ay isa sa mga halimbawa ng mga tradisyon ng mga Pilipino.
Sa dinami-dami ng mga kulturang Pilipino na napanatili sa haba ng panahon, dapat din nating isipin ang mga bagay kung paano natin maipapakita ang ating pagka-Pilipino sapamamagitan ng pagtangkilik ng sariling atin. Marihap man iwasan ang mga nakagawian (western consciousness), dapat pa rin natin itaguyod sa mas mataas na lebel ang ating lahi kahit sa mga simpleng bagay ng pakikilahok at pagsuporta sa bansa. Sapamamagitan nito, makikita natin kung ano nga ba ang nakapaloob sa identidad ng mga Pilipino. 

Mga Sanggunian:
Contreras, A. (2012). QUALPOL: Lecture Notes
Google.com.ph/images

Lunes, Marso 4, 2013



Sila at Ako ang mga Kalaban Ko

Paano natin makakamit ang katarungan kung hindi ka lalaban na sa iyong pananaw tama ang iyong ipinaglalaban? Upang imulat ang sarili sa katotohanan, dapat nating tanggapin ang mga bagay-bagay na ang paligid ay binubuo ng mga pangyayari na hindi kadalasan angkop sa ating pansariling intensiyon. Ang bawat sarili ay may kakayanan upang lumaban at magtiis sa patimpalak ng buhay.

Sa kursong Kultura at Pulitika, natutunan ko ang mga paraan kung paano lumaban at gamitin ang potensyal na kapangyarihan laban sa mga taong mapaniil at mapagmataas—paggamit ng kapangyarihan sa mabuting paraan. Ngunit, pumasok sa aking isipan ang isang katanungan na tungkol sa paggamit ng kapangyarihan laban sa sarili. Paano ko ba maipahahayag at maipapakilala ang kapangyarihan patungo sa aking sarili? Isang halimbawa nito ay ang paglikha ng mga simple at kritikal desisyon sa mga pangyayari o problemang hinaharap. Ako ay naniniwala na ang lahat ng tao ay rasyonal sa paggawa ng tama at karapat-dapat na mga desisyon sa buhay. Ngunit, may mga tao talaga na hindi ginagamit ang kakayahang ito kaya’t sila’y kadalasang nagkakamali. May mga pangyayari rin na kahit ginamit mo ito ay magkakamali at magkakamali ka pa rin sa kadahilanang ang mga bagay na sa tingin at napag-aralan mo ay akma ay hindi pala wasto o tama. Kung kaya kailangan timbangin ang bawat sitwasyon na pinagdadaanan sapamamagitan ng dalawang magkasalungat na instrument, ang puso at ang isip. Para sa akin, wala ni isa man sa dalawa ang mas matimbang sa paglikha ng mga desisyon at kilos. Ang paggamit ng puso at isip sa magkasabay na paraan at oras ay ang susi sa pag-intindi ng problema upang masolusyonan ito ng walang bahid ng alinlangan. Magkamali man ako, napatunayan ko naman sa aking sarili na ito ang dapat kong gawin, kung kaya, sa mga susunod na kabanata ng aking buhay, ako ay matututo sa mga pagkakamaling ito at malilinawan sa hamon ng buhay na hindi kailangan sumuko at dapat ipagpatuloy ang buhay na ibinigay ng Diyos na Maykapal.

Miyerkules, Pebrero 20, 2013



ILALIM….
Saan mo nga naman nakuha ang ideya ng pagkakapantay-pantay? Sa iyong palagay, ito ba ay umiiral? Panigurado, sa Math Equation mo lang ito magagamit. 

 
Sa mundo na puno ng misteryo, may mga iba’t ibang katanungan na bumabalot sa bawat kaisipan ng tao tulad na lamang ng, “Kung umiiral ang kahulugan at diwa ng pagkakapantay-pantay, bilang isang tao, paano ito mapapatunayan at makakamit ng bawat tao kung ang lipunan ay nahihiwa at nahahati sa magkakaibang sangay?”, at “Ano nga ba ang mga pamantayan nito?” Sa mga tanong na ito, mapapaisip ka kung paano makakamit ang pagkakapantay-pantay. Kung kaya, huwag ako ang tatanungin mo. 

Nais ko lamang ibahagi ang aking mga kwento at personal na karanasan kung paano ko nakikita ang lipunan bilang isang lugar na kung saan dalawang pangkat lamang ang nagsasagupa tungo sa kasaganahan ng buhay—pagtaguyod ng kanya-kanyang interes. Ito ang mga makapangyarihan at walang kapangyarihan.
Ako ay minsan nang ginawang kasangkapan ng taong aking pinagkakatiwalaan. Bilang isang binatang mangingibig, ako ay minsan na ding nabigo at nasawi. Noong una, ang buong tiwalang binigay ko sa taong ito ay ang nagislbing ugat pala kung bakit ako naging kasangkapan na ginamit niya upang paglipasan ng oras at nagsilbing kasalo at katambal sa panahong siya ay nangangailangan ng mapagpipitagan at masasandalan. Aminin ko, ako man ay nabulag sa pag-ibig dahil sa paghahangad at pagtataguyod ng aking interes ngunit masasabi ko na ito pala ang naging dahilan ng aking pagkabigo. Sa ibang salita, ako ay sinamantala at pinakinabangan para sa kanyang interes. At nang kanyang nakuha ang lahat sa akin, ako ay iniwan at pinagpalit. 
Sa pangyayaring ito, makikita mo ang sitwasyon kung paano naging mapaniil ang isang tao maitaguyod lamang ang pansariling interes, at dahil dito nagkakaroon ng tinatawag na inequality na kung saan hindi naging patas ang bunga.